Hinilawod (Epiko ng mga Bisaya)

*Ang Pag-iibigan nina Diwatang Alunsina at Datu Paubari*

HINILAWOD

(Epiko ng mga Bisaya)

Ipinag-utos ni Kaptan, ang hari ng mga diyos at diyosa, na ang magandang diwatang si Alunsina ay ikasal pagsapit niya sa edad ng pagdadalaga. Maraming makikisig na diyos sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang naghangad sa kaniyang kamay subalit silang lahat ay nabigo dahil si Alunsina ay umibig at nagpakasal sa isang mortal na si Datu Paubari, ang pinuno ng Halawod.Dahil dito’y nagalit ang mga manliligaw ni Alunsina at nagkaisa silang gantihan ang bagong kasal. Binalak nilang sirain ang Halawod sa pamamagitan ng isang malaking baha. Mabuti na lamang at nalaman ni Suklang Malayon, kapatid ni Alunsina ang maitim na balak ng mga nabigong manliligaw kaya’t ang magkabiyak ay nakatakas patungo sa isang mataas na lugar kaya’t sila’y nakaligtas sa baha. Bumalik lang sila nang napawi na ang baha. Tahimik silang nanirahan sa bukana ng Ilog Halawod.

Pagkalipas ng ilang buwan ay nagsilang ng tatlong malulusog na sanggol na lalaki si Alunsina. Labis-labis ang kaligayahan ng mag-asawa sa Pagdating ng kanilang mumunting biyaya. Pinangalanan nilang Labaw Donggon, Humadapnon, at Dumalapdap ang tatlong sanggol. Ipinatawag nila agad si Bungot-Banwa, ang iginagalang na pari ng kanilang lahi upang isagawa ang ritwal na magdudulot ng mabuting kalusugan sa tatlo. Nagsunog si Bungot-Banwa ng talbos ng halamang alanghiran na sinamahan niya ng kamangyan at saka inialay sa isang altar. Pagkatapos ay binuksan niya ang bintana at sa pagpasok ng malamig na hangin mula sa hilaga, ang tatlong sanggol ay biglang naging malakas at makikisig na binata.

*Ang Pakikipagsapalaran ng Panganay na si Labaw Donggon*

Sa tatlong magkakapatid, si Labaw Donggon ang nagpakita ng interes sa magagandang babae. Nang marinig niyang may isang magandang babaeng nagngangalang Angoy Ginbitinan mula sa bayan ng Handug ay nagpaalam agad siya sa ina upang hanapin ang dalaga. Pagkalipas ng ilang araw na paglalakbay sa mga kapatagan, kabundukan, at mga lambak ay narating din niya ang Handug. Kinausap niya ang ama ng dalaga upang hingin ang kamay ng anak. Sinabi ng ama na papayag lamang siyang makasal ang anak na si Angoy Ginbitinan kay Labaw Donggon kung mapapatay niya ang halimaw na si Manalintad. Agad pinuntahan ni Labaw Donggon ang halimaw at nakipaglaban siya rito. Napatay niya ang halimaw at ibinigay ang pinutol na buntot nito sa ama ni Angoy Ginbitinan bilang patunay ng kanyang tagumpay. Ikinatuwa ito ng ama kaya’t pumayag siyang ipakasal ang anak kay Labaw Donggon. Pagkatapos ng kasal ay naglakbay ang dalawa pagbalik sa tahanan nina Labaw Donggon.

 Sa kanilang paglalakbay ay may nasalubong silang mga binata na nag-uusap-usap tungkol sa isang napakagandang dalagang nagngangalang Abyang Durunuun na nakatira sa Tarambang Burok. Narinig niya mula sa usapan ng mga binata na sila’y papunta sa tirahan ng dalaga upang manligaw sa kanya. Naging interesado sa narinig si Labaw Donggon kaya naman Pagkalipas lang ng ilang linggong pagsasama ay inihabilin niya ang bagong asawa sa inang si Alunsina at siya’y naglakbay na patungo sa Tarambang Burok upang suyuin si Abyang Durunuun. Nagtagumpay si Labaw Donggon na mapaibig ang napakagandang si Abyang Durunuun.

 Subalit hindi pa roon nagtapos ang kanyang paghahanap ng mapapangasawa sapagkat pagkalipas ng ilang panahon nabalitaan na naman niyang may isa pang napakagandang babae, si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata na asawa ni Buyong Saragnayan, ang diyos ng kadiliman. Nais din niyang mapangasawa ito. Sinabi ni Doronggon ang kanyang balak sa dalawang asawa. Ayaw man nila, wala naman silang nagawa.

 Sumakay si Labaw Donggon sa isang inagta o itim na Bangka at naglayag sa malalawak na karagatan patungong Gadlum. Naglakbay rin siya sa malalayong kaulapan at sa mga batuhan hanggang sa marating niya ang Tulogmatian, ang tahanan ni Buyong Saragnayan. Agad siyang hinarap ni Saragnayan at tinanong kung ano ang kanyang kailnagan. Sinabi niyang gusto niyang mapangasawa si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Pinagtawanan ng diyos ng kadiliman si Labaw Donggon at sinabing imposible ang hinahangad nito dahil asawa na niya ang diwata.

 Subalit hindi basta sumuko si Labaw Donggon. Hinamon niya sa isang labanan si Saragnayan at sila’y naglaban sa loob ng maraming taon. Inilubog ni Labaw Donggon ang ulo ni Saragnayan sa tubig sa loob ng pitong taon subalit hindi niya pa rin napatay ang diyos ng kadiliman. Binayo niya nang binayo subalit hindi rin niya ito nagapi. Sa pamamagitan ng pamlang o anting-anting ni Saragnayan ay natalo niya ang noo’y nanghihina at pagod na pagod nang si Labaw Donggon. Ibinilanggo niya si Labaw Donggon sa isang kulungan sa ilalim ng kanyang tahanan.

 Samantala, kapwa nanganak ang dalawang asawa ni Labaw Donggon. Parehong lalaki ang naging anak nila. Ang anak ni Angoy Ginbitinan ay tinawag niyang Asu Mangga samantalang ang anak ni Abyang Durunuun ay pinangalanang Abyang Baranugon. Nakapagsalita at nakatindig agad ang mga bata. Hinanap nila kapwa ang kanilang ama.

 Sa kanilang paghahanap ay nagkasalubong ang magkapatid sa karagatan. Naglalakad sa ibabaw ng tubig si Baranugon at lulan naman ng Bangka si Asu Mangga. Napag-alaman nilang kapwa nila hinahanap ang amang mahilig sa magagandang babae. Naglakbay sila patungong Tulogmatian kung saan nila nalaman ang ginawa ni Saragnayan sa kanilang ama. Sinabihan nila itong pakawalan ang kanilang ama. Pinagtawanan lamang ni Saragnayan ang sinabi ng mga anak ni Labaw Donggon kaya’t hinamon siya ng mga ito sa isang labanan. Buong tapang na nakipaglaban ang magkapatid kay Saragnayan. Ngunit napakahusay ni Saragnayan kaya’t hindi nila ito matalo-talo. Bumalik si Baranugon sa kanilang lolang si Abyang Alunsina upang sumangguni. Dito niya nalamang ang kapangyarihan pala ni Saragnayan ay nakatago sa isang baboy-ramo. Mapapatay lamang daw si Saragnayan kapag napatay ang baoy-ramong kinatataguan ng kanyang hininga. Sa tulong ng taglay nilang anting-anting ay natagpuan at napatay ng magkapatid ang baboy-ramo. Sa pagkamatay ng baboy-ramo ay nanghina si Saragnayan kaya’t madali na siyang napatay ng palaso ni Baranugon. Gayunma’y hindi rin nila nakita ang ama sa bilangguan nito. Maging ang mga tiyo nilang sina Humadapnon at Dumalapdap ay tumulong na rin sa paghahanap kay Labaw Donggon. Pagkalipas ng mahabang panahon ng paghahanap, natagpuan din nila ang ama sa loob ng isang lambat na nasa may pampang malapit sa bahay ng asawa ni Saragnayan.

 Subalit wala na ang dating kakisigan at kagitingan ni Labaw Donggon. Nawala ito dahil sa matagal na pagkakakulong nang dahil sa labis na paghahangad sa Magaganda, kahit na may asawa nang babae. Naibalik ng magkapatid sa kanilang tahanan si Donggon subalit hindi pa rin nawala ang pagnanais nitong makahanap pang muli ng magandang mapapangasawa. Ikinagalit ito ng kanyang dalawang asawa subalit ipinaliwanag niyang pantay-pantay ang gagawin niyang pagmamahal sa kanyang mga asawa. Ipinagdasal ng dalawang babaeng nagmamahal sa kanya na muling lumikas si Donggon. Hindi nga nagtagal ay muling nagbalik ang kakisigan at lakas ni Labaw Donggon.