Maraming mag-aaral ang nagtatanong kung ano ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taong 2018.
Opisyal na ipinalabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Hunyo 14, 2018, na ang tema ng Buwan ng Wika nitong taong 2018 ay “Filipino: Wika ng Saliksik.”
Bakit kaya ito ang napiling tema?
Nais ng KWF na kilalanin ang wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran.
Sa pamamagitan ng temang ito, layon daw ng KWF na palaganapin ang wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ng karunungan, lalo na sa agham at matematika.
Ang “saliksik” ay katumbas ng salitang "research" sa Ingles. Ang ibig sabihin nito ay matalik na paghahanap. Naghahanap tayo ng sagot o mga sagot sa ating mga katanungan.
Ang akto ng paghahanap na ito ay tinatawag na “pananaliksik.”
Gusto ng KWF na gamitin natin ang wikang Filipino sa pagsasaliksik natin ng kaalaman.
Ilang mga halimbawa ng paggamit ng wikang Filipino sa pagsasaliksik ng kaalaman:
- Kung magsusulat ng thesis o research paper, lalo na sa larangan ng agham at matematika, gamitin ang wikang Filipino sa pagsulat ng mga salita at pangungusap
- Kung magpapalathala ng sariling libro, isulat ito sa wikang Filipino
- Kung gagawa ng blog o website, gamitin ang wikang Filipino
- Sakaling doktor o tagapagpayo sa mga maysakit, gamitin ang wikang Filipino
- Kung nagtuturo ng Math o Science, sikaping gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo